Secretary Dinky Soliman; Secretary Julia Abad; Asec. Javier Jimenez; ARMM Vice Governor Haroun Alrashid Alonto Lucman Jr.; DSWD awardees, of course, Mr. Danny Bitara and Ms. Noemi Bongaya; officials and staff of the Department of Social Welfare and Development and its attached agencies; fellow workers in government honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:
Muli, magandang umaga po sa inyong lahat.
Bago ako sumampa dito sa podium, mula sa ating choir na napakasigla, kayo rin napakasigla n’yo. Parang, napapag-isip akong tumambay muna kami ni Asec Delantar dito para sumigla rin kami.
Huli ho tayong nagkasama-sama sa ganitong pagdiriwang noong ika-60 anibersaryo ng DSWD. Siyempre hindi ko puwedeng palampasin ang pagkakataon na batiin kayo sa pagiging “senior citizen” ng inyong ahensiya noong 2011. Ngayon naman po, sa dami ng pagsubok na hinarap natin na kayo ang isa sa mga kadamay, lalong importanteng personal kong itanong sa inyo: Kumusta naman ho kayo?
Hindi naman ho siguro naka-Red Bull lang ‘yung ating choir kanina kaya full of energy.
Alam po ninyo, hanga ako sa inyong mga kawani ng DSWD. Sa sitwasyon ko po kasi, may mga araw na patung-patong na mabigat na suliranin ang kailangan kong harapin; may mga araw rin namang dinaratnan tayo ng naparaming good news na puwede nating ipagmalaki. So may araw na mabigat, may araw na sobrang gaan ng pakiramdam. Ang ibig ko pong sabihin, hindi palaging masamang balita ang natatanggap ko. Sa DSWD, alam ko na para sa marami sa inyo, halos buong-araw, araw-araw, syempre problema ang kaharap ninyo. Nandiyan ang mga tinamaan ng sakuna; ang may dinadalang karamdaman; ang mga biktima ng karahasan. Almusal, tanghalian, hanggang hapunan, at kung minsan ho, pati sa midnight snack mayroon—suliranin ng ating mga kababayan ang parang ulam na ninyo. At hindi lang ito katulad ng suliraning hinarap natin dati, kung saan iilang barangay lang ang kailangan ninyong tutukan. Nitong nagdaang 2013, hinarap natin ang problema sa Zamboanga. Tapos nito, lumindol naman sa Central Visayas. Di nagtagal, sinalanta naman ng bagyong Yolanda ang 44 na probinsya sa buong bansa. Sumingit pa ho si Santi at kanyang monsoon rains. Siyempre, wala pa sa listahang ito ang mga sakuna o hamong hindi masyadong naging laman ng balita—ang pagtugon sa mga tinamaan ng flash floods sa iba pang liblib na lugar, o ang mga batang kailangan ng kalinga. Sa patung-patong na hamon na hinakaharap ng ating mga kababayan, umabot na nga po sa milyun-milyon ang mga pamilyang kinakailangan ninyong pakainin, gamutin, at arugain.
Ibayong kapasidad para magmalasakit ang hinihingi sa inyong mga kawani ng DSWD. Hindi lahat ng tao, kayang gawin ang ginagawa ninyo. Kapag panahon ng kalamidad, marami sa inyo ang ni hindi makaupo dahil sa mga kailangang gawin. Pati ho ang ating butihing kalihim, kung minsan nagme-meeting po kami nakapikit na siya. Pero tumatango naman at sumasagot naman sa tamang oras. Minsan lang ho nagpa-pause ako at hinihintay ko lang hong dumilat naman po. Kahit ilang segundo lang ng delay sa relief goods at gamot, alam ninyong hindi ninyo mapapatawad ang sarili dahil madaming nagugutom, nauuhaw, nagkakasakit, natatakot, o nalulungkot. Bukod dito, alam ko na habang nagpapatulo kayo ng pawis, luha, at minsan dugo para makatulong sa nangangailangan, may ilan tayong kababayan—at talagang mangilan-ngilan lang naman—na kung magsalita ay akala mo wala na tayong kayang gawing tama. Nabalitaan ko nga na noong relief operations para sa bagyong Yolanda, marami sa inyo ang tumatangging umidlip man lang sandali dahil natatakot na makunan ng larawan at masabihang hindi ginagawa ang trabaho.
Naalala ko tuloy ang nangyari kay Secretary Petilla, na katuwang rin natin sa paglilingkod sa mamamayang Pilipino. Noong tinantiya ng Department of Energy kung gaano katagal maibabalik ang kuryente sa 320 na mga lugar na tinamaan ng bagyong Yolanda, ang kanila pong kalkulasyon anim na buwan para maibalik ang kuryente. Pero pinangako niya na bago mag-Pasko, napailawan na lahat nang ito. Nag-Pasko nga po, o ‘yung bisperas ng Pasko, at may at may ilaw na sa 317 na bayan. Ibig sabihin po kulang ng tatlo. ‘Yong tatlo naihabol nang 14 na oras lang ang delay. Sa kabila nito, meron pang nagsasabing dapat siyang mag-resign. Six months naging 40 days and 14 hours. At sobrang pagkakamali raw po ‘yung plus 14.
Matuwid at marangal na tao si Secretary Petilla kaya nagpasya siyang isumite ang kanyang resignation. Ang sagot ko sa kanya, kalokohan naman yata ‘yan. Maraming makikinabang sa nagawa niya at mababalewala ang kanyang husay kung magbibitiw siya. Kumbaga sa paaralan, lampas 99 percent na po ang nagawa niya, at sabi po ng mga kritiko niya, bagsak siya. Siguro ho kung itong mga kritikong to ang nagpapatakbo ng isang paaralan swerte na silang tumakbo ng isang taon dahil walang pumapasa sa kanilang paaralan. Dahil, di ho ba, noong nag-aaral tayo—‘yung 91 ang tanda ko A. ‘Yong 99-point-ganyan–e di siyempre A rin, wala naman pong A+. ‘Pag A na grado mo, bagsak ka. Wala sigurong karapatang magturo iyang mga iyan.
Hindi naman po kalabisang sabihin na kung minsan, kulang sa konsuwelo ang trabaho ninyo, sana ho kung minsan lang. Madalas, mas marami ang batikos kaysa pasasalamat, mas mahaba ang listahan ng reklamo kaysa papuri. Sa kabila nito, natutuwa ako, nabibilib ako, na wala akong nababalitaang isa man sa inyo na nagwagayway ng puting bandila para sabihing sumusuko na kami. Wala po akong narinig na nagsasabing, “Mr. President, hindi ko na kaya, aalis na po ako.” At hindi po ibig sabihin niyan puwede itong araw na ito. Marami kayong hinarap na trahedya at pasakit pero nananatili kayong tagapagsulong ng pagbangon ng mga kapwa ninyo Pilipino. Dahil diyan, personal kong pinasasalamatan ngayon ang bawat isa sa inyo sa tapang at dedikasyong ipinakita ninyo habang ginagampanan ang inyong tungkulin. Talaga naman po, sa ngalan ng sambayanan, maraming, maraming salamat po sa inyong lahat.
Hayaan ninyong espesyal kong banggitin sina G. Danny Franco Bitara at Bb. Noemi Mongaya, na nalagay sa bingit ng kamatayan habang isinasabuhay ang misyon at layunin ng Department of Social Welfare and Development. Kayo ang ehemplo ng mga tunay na tagapaglingkod ng mamamayang Pilipino. Mamaya rin po, kapag pinarangalan na ang iba pang pinakamahuhusay na tagapaglingkod ng DSWD, ganito po ang pakiusap ko: palakpakan natin sila nang malakas. Iparamdam natin sa kanila ang pagpapahalaga at paghangang nararapat sa kanila.
Mayroon nga po akong naisip habang pinagmuni-munihan ko ang pangalan ng inyong ahensiya. Department of Social Welfare AND Development, may diin po sa “and.” Hindi lang pangangalaga sa kapakanan o welfare ng mamamayan ang mandato ng ahensiyang ito. Mayroon ding pagbabago, mayroon ding pag-unlad. Development. Kaya mayroon ding pag-asa.
Sa tulong ninyo at ng mga programa ng DSWD, naisasakatuparan natin ang mandatong ibinigay ng taumbayan. Halos apat na milyong kabahayan na ang nabigyan ng pagkakataon para sa mas magandang bukas sa ilalim ng Pantawid Pamilya, na pinalawak ang sakop nitong 2013 para mas marami pa ang matulungan. 334,158 na kabahayan naman ang naging bahagi ng Sustainable Livelihood Program. Sustainable: ibig pong sabihin, pangmatagalan, hindi lang pang-photo-op. Para sa mga senior citizen, 1.53 bilyong pesos ang naipagkaloob na pensyon sa mga lolo at lolang matagal nang nalugmok sa laylayan ng lipunan. 2.85 bilyon naman ang nagugol na para sa Supplemental Feeding Program ng 1.45 milyon na kabataan. Sa iba’t ibang kategorya ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive Integrated Delivery of Social Services o KALAHI-CIDSS—sana ho mas maiksi lang ‘yong pangalan pero ganoon kahaba naman ang benpisyo–nasa 3,541 kabuuang bilang ng proyekto na ang nabigyan ng ayuda. Tinatayang 841,000 po ang kabahayang makikinabang o makikingabang dito. Ang maganda, iyong mga komunidad mismo ang pumili ng proyektong pagkakalooban ng pondo; bahagi sila ng pagpapasya, kaya alam rin nating bahagi sila ng pangangalaga at pagsigurong magtatagumpay ang bawat proyekto.
Sana po huwag kayong magsawa na makipagtulungan sa akin upang maibalik ang pagtitiwalang ipinagkaloob ng mamamayang Pilipino. Sa husay ng trabaho ninyo dito, nararamdaman kong magiging mas malawak, mas mabilis, mas pangmatagalan pa ang magagawa nating pagkalinga at pagpapaunlad sa kalagayan ng ating mga kababayan—ang ating mga boss—kahit na gaano pa ito kahirap. Sa huli, ang isang tao o institusyon ay hindi tinitingnan sa bilang ng taon na itinagal niya sa mundo, kundi sa kung gaano karami ang kanyang natulungan; sa kung gaano karami ang nabago niyang buhay; sa kung gaano kalalim ang naging positibong ambag niya sa lipunan; at sa kung gaano karami ang nabigyan niya ng pag-asa. Inaanyayahan ko kayong lahat dito sa DSWD, tara, ipagpatuloy natin ang pagbibigay ng lahat ng ating makakaya. Malayo na ang ating narating, at alam kong sa patuloy ninyong pakikiambag, lalo pang malayo ang ating mararating.
Maraming salamat po. Maligayang anibersaryo po sa inyong lahat.