Pansamantalang sususpindehin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagtanggap ng request at pagproseso ng tulong sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa Central Office ng Ahensya simula tanghali (12 NN) ng Abril 5 (Miyerkules) hanggang Abril 10 (Lunes), 2023.

Alinsunod na rin yan sa Proklamasyon Numero 42 serye 2022, at ng Memorandum Sirkular Numero 16 serye 2023, na parehong ukol sa mga deklarasyon ng suspensyon ng trabaho sa gobyerno para sa obserbasyon ng Mahal na Araw at pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan sa bansa.

Magbabalik naman ang pagpoproseso sa mga kliyenteng humihingi ng tulong sa AICS Program sa Martes, Abril 11, 2023.

Ang AICS ay isang regular na programa ng DSWD na nagbibigay ng tulong medikal, pang-edukasyon, tulong pamasahe, tulong pampalibing, at maging ang probisyon ng pagkain at iba pang kagamitan para sa mga mahihirap na Pilipinong humaharap sa iba’t-ibang krisis, sakuna, o matinding kahirapan.

Ginagawa ang Step 1 o pag-iskedyul at pagsusuri ng mga kinakailangang dokumento ng mga kliyente ng DSWD Central Office sa QC-X Building, Quezon City Memorial Circle, Lunes hanggang Biyernes, 5am – 3pm.

Habang ang assessment at pagbibigay naman ng karampatang assistance ay pinoproseso sa DSWD Central Office sa Batasan Complex, Quezon City, Lunes hanggang Biyernes, 6am – 5pm.

Samantala, ang Departamento ay mananatiling alerto at sinisiguro sa publiko ang kahandaan nito na tumulong sa mga pamilya at indibidwal na maaapektuhan sakaling magkaroon ng ‘di inaaasahang insidente o sakuna sa panahon ng Mahal na Araw.

Nais namang ipahayag ng DSWD ang pakikiisa sa pag-obserba ng publiko sa Mahal na Araw at pagdiriwang ng bansa ng Araw ng Kagitingan. ###