Region 5 office ng DSWD, walang humpay sa pagtulong sa mga Bicolanong apektado ng bagyong Kristine
Walang patid ang pamimigay ng tulong at serbisyo ng mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development DSWD) Field Office (FO) sa rehiyon ng Bicol sa mga pamilya at indibidwal na apektado ng pananalasa ng bagyong Kristine.
“Following the issuance of a forced evacuation order in the province of Albay, members of the DSWD’s Municipal Action Team in Region 5 were immediately deployed to assist in setting up modular tents and profiling of displaced families in evacuation centers located in the municipality of Jovellar,” sabi ni DSWD Disaster Response Management Group (DRMG) at Spokesperson Asst. Secretary Irene Dumlao.
Bukod sa pamimigay ng tulong sa mga residenteng nasa evacuation centers, abala din ang ilang mga DSWD personnel sa pagbibigay ng hot meals para naman sa mga pasaherong na-stranded sa iba’t-ibang pantalan sa Bicol Region.
Sa Tabaco Port, Albay, halos 645 pasahero na-stranded ang nahainan ng hot breakfast meals na nagkakahalaga ng mahigit sa Php63,000, sa pamamagitan na rin ng tulong mula sa Catanduanes Provincial Government.
Samantala, mahigit naman sa 700 stranded individuals sa Matnog Port sa lalawigan ng Sorsogon ang nabigyan ng breakfast packs na nagkakahalaga ng Php30,000, sa pamamagitan ng tulong mula sa Local Government Unit ng Matnog.
Namahagi din ang DSWD FO-5 ng mga packed hot meals na nagkakahalaga ng Php17,406.60 sa 628 stranded passengers sa Pio Duran Port sa Albay.
Sa Eastern Visayas Region naman na-activate na ng DSWD Field Office-8 ang Quick Response Teams (QRT) dito na siyang magmo-monitor sa mga maaaring maapektuhan ng bagyo at upang mabilis na mabigyan ng kaukulang tulong kung kinakailangan.
Gayundin, naka-standby ang lahat ng DSWD FOs na posibleng daanan ng bagyong Kristine. Nakahanda rin ang mga ito para sa disaster response operation at relief augmentation requests ng mga local government units ( LGUs) at maging ng iba pang tulong na kakailanganin.#