Mensahe ni Kalihim Corazon Juliano-Soliman
sa Paggunita ng Araw ng Manggagawa
Ika-1 ng Mayo 2014
Sanay tayong pangalanan at bansagan ang isang manggagawa base sa kung ano ang kanyang pang-araw-araw na gawain – tindera, karpintero, guro, bumbero, abogado, atbp.
Pasintabi sa aking mga propesyong nabanggit, ngunit hindi yata aakma ang ganitong pagkakategorya sa mga kawani ng Department of Social Welfare and Development. Napatuyan ninyong hindi kayo nagpapalimita sa kung ano ang pinirmahan ninyong trabaho. Bagkus, sa napakarami nang pagkakataon, naipamalas ninyo ang kahandaang akuin ang mga karagdagang tungkulin sa ngalan ng paglilingkod sa sambayanan.
Higit na napatingkad ang katotohanang handa kayong magbigay ng higit sa hinihingi sa inyo matapos ang mga kalamidad na tumama sa ating bansa nitong nagdaang taon, lalo na nang matapos ang Bagyong Yolanda.
Nariyan ang mga katulad ni Christopher, driver ng DSWD Field Office VIII, na sumaklolo sa ilang mga pamilya, kabilang na ang isang PWD, na natangay ng baha noong bagyo.
Isa siya sa mga matatapang na ipinagmamaneho kami noong kalagitnaan ng relief operations. Pagkatapos nila kaming ihatid sa aming tinutuluyan nang halos lagpas-alas-11 na ng gabi, babaybayin nila ang mga napakadilim na kalsada pabalik sa kani-kanilang bahay, o kung ano man ang natira dito. At muli silang papasok kinabukasan… walang reklamo, walang pagdadalawang-isip.
Nariyan rin si Joan, isang empleyado ng DSWD na nakabase sa Tacloban City. Tulad ng maraming biktima, si Joan ay isang asawa at ina. Nang humupa ang bagyo, naglakad siya ng anim na oras mula Tacloban patungong Catbalogan, Samar kung saan naroon ang kaniyang asawa’t anak.
Sa kabila ng paulit-ulit na pakiusap ng kaniyang pamilya, pinili niyang bumalik agad sa Tacloban at ituloy ang mga gawain bilang Information Officer.
Si Alejandra, taga-Palo, ang unang empleyado ng DSWD na nakapag-deliver ng tubig at bigas sa lahat ng istasyon ng pulis sa buong Tacloban at sa mga DSWD Centers sa Palo at Tanauan. Ito ay sa panahong halos wala nang makain ang mga tao.
Hindi rin maaaring makaligtaan ang mga namamahala ng ating relief hub sa Tacloban na natutulog na sa tents sa likod ng ating warehouse para lamang makapag-report nang alas-5 ng umaga araw-araw. Tutok sila sa pagpapanatili ng kalinisan ng ating hub at pagsisigurong tuloy-tuloy ang dispatching ng mga relief goods kahit sila mismo ay biktima rin – nasugatan at nasaktan, nasiraan ng bahay, at nawalan ng kapamilya.
Para sa akin, ang pinakamasakit na paratang na ibinato sa ating ahensiya noong kasagsagan ng ‘Yolanda’ relief operations ay yaong wala raw tayong ginagawa. Masakit ito hindi lamang dahil alam kong hindi ito totoo, kung hindi dahil alam ko rin ang laki at bigat ng sakripisyo ng ating mga kabaro upang patuloy na matugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan. Dumating ang panahon na mababakas na sa mukha nila ang pagkapagal, randam na sa mga galaw nila ang pagkahapo. Ngunit hindi sila nagpadaig sa mga ito. Narito pa rin kayo.
Sila, sampu ng mga staff sa Field Offices na ginagawa ang lahat upang ilapit sa ating mga kababayan ang mga serbisyong ating handog… Ng mga taga-Central Office na masigasig na tinitiyak na maayos ang pang-araw-araw na operasyon ng ating mga pambansang programa at proyekto… Ng mga namamahala ng ating centers at shelters na pagmamahal ang motibasyon sa pakikitungo sa ating mga inaarugang kliyente… Ng mga kasama natin sa ating attached agencies na ang adbokasiya ng kanilang mga ahensiya ang laging nasa isip… Ng mga miyembro ng ating Management at Executive Committees… Sila… Kayo… Ang buhay na patunay na ang mga kawani ng DSWD ay tapat sa ating serbisyo, maging sa gitna man ng nagbabadyang kapahamakan hanggang sa pagbangon ng ating bayan.
Marami pang hamon ang haharapin ng ating tanggapan habang inaakay natin ang bawat pamilyang Pilipino tungo sa pag-unlad. Ngunit, buo ang aking loob at mataas ang aking pag-asa dahil alam kong kaagapay ko kayo sa paglalakbay na ito.
Maraming salamat sa patuloy ninyong paghahandog ng matapat, magiliw, at mahusay na paglilingkod sa ating mga kapwa-Pilipino.
Padayon! Mabuhay ang mga kawani ng DSWD!