EXPLAINER: Paano ipinapamahagi ng DSWD ang emergency subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) nito?

Sa layon na mabilis maihatid ang tulong para sa pinaka-apektadong pamilya sa kasalukuyang panahon ng pandemya, itinukoy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang apat na paraan upang maipamahagi ang emergency subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).

Ayon sa Memorandum Circular (MC) No. 09, Series of 2020, Section VIII-A, ito ay ang direktang pamamamahagi ng ayuda sa benepisyaryo, digital o elektronik na pamamahagi ng ayuda, pag-deposito ng ayuda sa cash card accounts at ang paglipat ng pondo ng emergency subsidy sa ibang ahensya ng gobyerno o mga lokal na pamahalaan.

Sa huling tala ng DSWD noong April 27, umabot na sa 7.6 milyong mga pamilya ang nakatanggap ng emergency subsidy sa ilalim ng Bayanihan Fund: Tulong Laban sa COVID-19. Ito ay may katumbas na halaga na P39.4 bilyon.

Sa kasalukuyan, ang paraan ng pamamahagi ng emergency subsidy ay batay sa sektor ng benepisyaryo.

Para sa mga benepisyaryo sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ang kanilang emergency subsidy ay idedeposito sa kanilang cash cards accounts kung saan natatanggap din nila ang kanilang cash grants at rice subsidy. Noong April 3 hanggang 5, naipamahagi ng DSWD ang emergency subsidy sa 3.7 milyong benepisyaryo ng 4Ps na may cash cards. Ito ay may katumbas na halaga na P16.3 bilyon.

Para sa mga benepisyaryo ng 4Ps na walang cash cards, naihahatid ng DSWD Field Office (FO) ang emergency subsidy sa pamamamagitan ng over-the-counter transaction sa Land Bank of the Philippines (LBP), direktang pamamahagi ng ayuda sa benepisyaryo, o paglipat pondo sa mga lokal na pamahalaan. Noong April 8, nailipat ng DSWD Central Office sa 16 FOs nito sa buong bansa ang pondo ng emergency subsidy sa mga benepisyaryo ng 4Ps na walang cash cards.

Ang pamamahagi ng emergency subsidy sa mga benepisyaryo ng 4Ps ay nakatakda sa MC No. 10, S. 2020, Bilang 6 at 8.

Sa kabilang banda, maaaring matanggap ng mga Public Utility Vehicle (PUV) drivers na kabilang sa listahanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nai-validate ng DSWD ang kanilang emergency subsidy sa LBP. Sa tala noong April 27, nailipat ng DSWD ang P323 milyong pondo sa LBP para sa emergency subsidy para sa 40,418 PUV drivers sa National Capital Region (NCR).

Ang ganitong pamamaraan ng pamamahagi ng tulong ay naging posible dahil sa tripartite Memorandum of Agreement (MOA) ng DSWD, LTFRB, at LBP na inilagda noong April 03 upang maihatid ng mabilisan ang emergency subsidy ng mga PUV drivers.

Para sa mga natitirang benepisyaryo ng social amelioration program, nakasaad sa MC No. 09, S. 2020, Seksyon VIII-B na nililipat ng DSWD ang pondo para sa emergency subsidy sa mga lokal na pamahalaan. Matapos nito, ipinapamahagi ng mga lokal na pamahalaan ang emergency subsidy sa mga natakda nitong mga benepisyaryo na kabilang sa sektor na maliliit na kita. Maaaring maipamahagi ang ayuda sa pamamamagitan ng door-to-door o isagawa ito sa mga distribution points kung saan doon matatanggap ng benepisyaryo ang ayuda.

Bago mailipat ang pondo, maglalagda ng MOA ang lokal na pamahalaan sa DSWD at maghahanda ng budget proposal. Ililipat ng DSWD FO ang pondo sa lokal ng pamahalaan sa loob ng 24 oras matapos matanggap ang nalagdaang MOA at budget proposal. Sa huling tala noong April 27, umabot na sa P80.3 bilyong pondo para sa emergency subsidy ang nailipat ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan .

Sinisiguro ng DSWD sa publiko na ito ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno, mga lokal na pamahalaan at itong mga partner sa pribadong sektor upang mabilis na maihatid sa 18 milyong pamilyang pinaka-nangangailangan ang emergency subsidy sa ilalim ng Bayanihan Fund: Tulong Laban sa COVID-19. #