Kinikilala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang maayos na pagpapatupad ng Social Amelioration Program (SAP) ng mga local government units (LGU) sa Caraga.

Dalawang (2) araw matapos maibaba ang pondo ng Social Amelioration Program (SAP), 18 local government units (LGU) sa Rehiyon ng Caraga ang agarang nagsimula ng payouts sa kani-kanilang mga bayan at lungsod noong ika-8 ng Abril 2020 bilang tugon sa kasalukuyang krisis ng Covid-19. Ang mga LGUs na ito ay kinabibilangan ng mga sumusunod: Surigao del Sur – Bislig City, Lanuza, Lianga, Marihatag, San Agustin, San Miguel, Tago; Surigao del Norte – Surigao City, Alegria, Malimono, Placer, Sison; Agusan del Sur – Rosario; Agusan del Norte – Jabonga, Las Nieves; Dinagat Islands – Cagdianao, Libjo, Loreto.

Bahagi ng naging paghahanda ang pagsiguro ng mga alkalde ng nabanggit na mga lugar sa maayos na koordinasyon at komunikasyon sa pagitan ng mga Local Social Welfare Development Office (LSWDO) staff, barangay officials, purok leaders, barangay health workers (BHW), at Field Office Caraga staff ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula sa pagsasagawa ng assessment hanggang sa pamamahagi ng ayuda.

Nakiisa rin ang lokal na Inter-Agency Task Force (IATF) sa pagbubuo ng angkop na polisiya at stratehiya sa pagpapatupad ng SAP. Upang masigurado ang kaligtasan at kaayusan, nakipag-ugnayan ang mga LGUs sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at Department of Interior and Local Government (DILG) lalo’t higit sa pagtungo sa mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA).

Bukod sa paggamit ng mga social media sites, isinagawa rin ang pagba-bandilyo sa mga barangay upang mas mabilis maipabatid sa mga nasasakupan ang mga impormasyon ukol sa SAP. Nagtakda rin ang mga LGUs ng hotlines kung saan maaaring dumulog ang kanilang mga nasasakupan hinggil sa anumang katanungan o paglilinaw patungkol sa SAP. Maging ang mga alkalde ng mga nasabing bayan at lungsod ay aktibong tumugon sa mga paglilinaw ukol sa programa.

Patuloy na inaanyayahan ang lahat na suportahan ang mga mekanismong ipinatutupad ng mga ahensiya ng pamahalaan at ng mga LGU hinggil sa SAP. Para sa karagdagang impormasyon o katanungan, palagiing bisitahin ang Official Facebook Page ng DSWD. Maaari ring tawagan ang mga SAP Hotline Numbers: 16545; 0947-482-2864 (Smart); 0916-247-1194 (Globe); 0932-933-3251 (Sun). #